Para sa mga Katolico

KALIGTASAN

“Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.” (Efeso 2:8,9)

Ako ay pinalaki sa isang Katolikong tahanan. Narinig ko ang mensahe ng ebanghelyo sa unang pagkakataon noong ako ay 14 na taon. Sa tanong na, ‘Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?’ dumating ang sagot na, ‘Manalig ka sa Panginoong Jesu-Cristo, at ikaw ay maliligtas.’ Itinuturo ng mga evangelicals na ang isang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo lamang, at hindi sa pamamagitan ng kanilang mabubuting gawa.

Sa aking kaisipan noong panahon na iyon, ang katuruang ito ay mali at mapanganib. Mali, sapagkat sinabi ni Santiago na ang pananampalatayang walang gawa ay patay. At mapanganib sapagkat hinihikayat nito ang isang bulagsak at maski papaanong pamumuhay dahil ang isang tao ay hindi naman pala naliligtas sa pamamagitan ng kaniyang ginagawa.

Naging interesado akong mag-aral ng Bibliya. Sa aking gulat nalaman ko na ang itinuturo pala ni Santiago ay ang pagkakaiba ng isang totoong pananampalaya at isang huwad o pekeng pananampalataya. ‘Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya’y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?’ (Santiago 2:14). Ang gayong ‘pananampalataya’ ay walang kabuluhan; hindi nito maililigtas ang sinuman. Ang totoong pananampalataya ay makikilala dahil sa resulta na ibinunga nito.

Ang pinakamahalagang katanungan ay ito: ‘Ang isang tao ba ay naililigtas ng tunay na pananampalataya lamang? O siya ba ay maliligtas ng pananampalataya na dinagdagan ng kaniyang mabubuting nagawa?’ Ang sagot ng Bibliya ay malinaw at nakakagulat:

“Sapagkat sa biyaya kayo’y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito’y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki. Sapagkat tayo’y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.” (Efeso 2:8-10)

Kaligtasan dahil sa pananampalataya…hindi dahil sa gawa! Ito ay nakakagulat: ang parehong Bibliya na nagbibigay diin sa kabanalan at mabubuting gawa, ay siya ring nagsasabi na ang kaligtasan ay hindi nakadepende sa mabubuting gawa ng tao. Ang isang Kristyano ay hindi dumedepende sa kaniyang “kabutihan” o sa kaniyang sariling sikap, kundi siya ay lubusang nagtitiwala sa Panginoong Jesu-Cristo lamang.

Kapag sinabi ng Bibliya na tayo ay nailigtas ‘hindi ng mga gawa’, ito ay tumutukoy sa ating mga pagpupursigi. Tiyak na hindi nito ibig sabihin na napakadali ng kaligtasan. Sa katotohanan ang gawain ng kaligtasan ay napakahirap at napakabigat na walang pwedeng gumawa nito kundi ang Diyos lamang sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Kinailangan pa na ang Anak ng Diyos mismo ang magpakumbaba, maging tao, at mamatay sa krus. ‘Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang Siya’y nagging sumpa para sa atin - sapgka’t nasusulat, “Sinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy”. (Galatia 3:13). Nagsimula kong maunawaan na ang kabayaran ng aking mga kasalanan ay ang mahal na dugo na kaniyang ibinigay at hindi ang aking mga ginawa at pagpapasakit (penance). Kaya nga’t nais ng Diyos na ako ay maniwala sa Kanya.

Isang tanong ang naiwan: Bakit kailangan pang gumawa ng mabuti? Pagkatapos sabihin na tayo ay nailigtas ‘hindi sa pamamagitan ng gawa’, sinulat ni apostol Pablo na tayo ay niligtas ‘upang gumawa ng mabuti.’ Ang mabubuting gawa ay resulta, hindi ang dahilan ng kaligtasan.

Ngayon ako ay isang evangelical na Kristyano at ako ay nakakatiyak na pupunta ng langit. Hindi ito haka-haka o akala lamang sapagka’t hindi na ako nagtitiwala sa aking sarili at sa aking mga magagawa; ako ay nagtitiwala kay Jesu-Cristo dahil alam ko na ang kaniyang kamatayan sa krus ay sapat na kabayaran para sa lahat ng aking mga kasalanan. Ang aking tanging naisin ay mamuhay ng tama at karapat-dapat para sa Kaniya na nagmahal sa akin at nagbigay ng Kaniyang buhay para ako ay mapatawad.

Ako ay nagaalala para sa mga Katoliko (at sa iba pa) na ang mga buhay ay pinaghaharian ng kasalanan subalit inaasahan nilang magiging maayos naman ang lahat sa huli. Subalit nagbabala ang bibliya na ang kanilang pananampalataya ay patay at walang saysay para sila ay mailigtas sa impiyerno. Sa kabilang banda, ako rin ay nagaalala para sa mga debotong Katoliko na natatakot sa paghahatol ng Diyos, at ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang makamit at makuha ang kapatawaran at awa ng Diyos. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya kay Jesus, ngunit kung titingnan maigi ay hindi talaga sapagka’t mas nagtitiwala sila sa kanilang sariling kabutihan at katuwiran.

Nais kong ibahagi ang parehong Mabuting Balitang narinig ko noong aking kabataan sapagkat ito ang mensahe ng Bibliya. Kung nais mong maligtas, manampalataya ka sa Panginoong Jesus at tigilan mo na ang pagtitiwala sa iyong mga magagawa para makamit ang kaligtasan na ito. Tumigil ka sa pag-asa sa magagawa sa iyo ng iyong relihiyon at gaya ng maniningil ng buwis, tanggapin ang libreng regalo ng kaligtasan. At kung magkagayon, sa buong buhay mo, gumawa ng mabuti bilang pagpapasalamat mo sa ating maaawain at mapagmahal na Ama.

<  >