Para sa mga Katolico

PAKIKIPAGBATI SA DIYOS

(O, TAMANG KAUGNAYAN SA DIYOS)

“Yamang tayo’y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” Roma 5:1

Paano kayang ang isang tao, na binabagabag ng konsensiya dahil sa kaniyang kasalanan, ay maaari na magkaroon ng kapayapaan sa kaniyang Manlilikha? Ayon sa Bibliya mayroon lamang isang paraan: pag-aaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. “Yamang tayo’y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.”. (Roma 5:1).

Ang pag-aaring-ganap (justification) ay isang legal term, salitang pang-abogado; ito ay kabaligtaran ng paghahatol. Ang taong sumusunod sa batas ay matuwid at mabuti, subalit ang isang tao na sumusuway sa batas ay hindi matuwid, bagkus, siya’y masama. Nararapat na ang hukom ay aariing-ganap ang matuwid at hatulan/parusahan ang masama. Kaya nga ang pag-aaring-ganap o pagpapawalang-sala ay isang mabuting balita mula sa hukom, na nagsasabing ang inakusahan ay ‘matuwid, walang sala,’ at nagpapalaya sa kaniya sa anumang parusa.

Ang Diyos, ang hukom ng buong mundo, ay tiyak na mag-aaring-ganap sa atin kung tayo ay matuwid. Subalit ang nakakalungkot, ay napakalayo natin bilang matutuwid. Mas nararapat nga tayo na mismo ang maghayag na tayo ay nagkasala dahil hayagan naman na tayo ay lumalabag sa Kaniyang mga utos at kagustuhan. At dahil sa tayo ay mga makasalanan at hindi matuwid, ang hatol ng Diyos sa atin ay dapat kaparusahan. Kung tayo’y makasalanan at nahaharap sa parusa, paano tayong aariing-ganap sa harapan ng Diyos?

Kuhng sakaling ang makasalanan ay makagawa ng mabuti at mamuhay ng tama (na imposibleng gawin, kung totoosin), ng sa gayon ay aariing-ganap siya ng Diyos (dahil kung siya’y gumagawa na ng tama siya ay matuwid na). Ang mga Romano Katoliko ay tinuruan na sa pagpapawalang sala (justification) ‘ginagawang matuwid ang ating loob’ ng Diyos. (Katekismo, 1992). Ibig sabihin, inaaring-ganap ng Diyos ang isang tao kung siya, sa pamamagitan ng mga sakramento at mabubuting gawa, ay nagiging matuwid dahil sa kaniyang sariling pagpupursigi.

Totoo nga na ang Diyos ay gumagawa sa buhay ng kaniyang mga anak, binabago sila upang maging kagaya ng kaniyang Anak na si Jesus. Gayun pa man, habang sa sila ay nasa mundo pa ang mga Kristyano ay nananatiling makasalanan (1 Juan 1:8). Ang katuruan ng Katoliko - inaaring-ganap ng Diyos ang mga matuwid - ay isang masamang balita para sa mga makasalanan! Nguni’t purihin ang Diyos sapagka’t dahil sa kaniyang habag at awa: iba ang mensahe ng Bibliya!

“Nguni’t sa kaniya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.” (Roma 4:5)

Hinahayag ng Diyos ang isang nananampalatayang makasalanan na ‘walang sala!’ Inaring-ganap siya ng Diyos hindi sa dahil siya ay matuwid (hindi siya matuwid!). Ang katotohanan, inaaring-ganap ng Diyos ang mga masasama at makasalanan. Hindi rin pinapatawad ng Diyos ang isang tao bilang premyo niya kung siya’y nakagawa ng mga mabubuting bagay. Inaaring-ganap ng Diyos ‘ang tao na hindi gumagawa’! Ito ang tunay na ebanghelyo, isang mabuting balita para sa makasalanan!

Paano mapapawalang sala ng Diyos ang isang mananampalataya, gayong siya ay makasalanan pa rin? Ang sagot sa mahalagang tanong na ito ay nasa centro ng mensahe ng ebanghelyo. Ang Diyos ay makatarungan kapag inaring-ganap Niya ang maniwala sa Kaniyang Anak. Inako ni Cristo, ang tupa ng Diyos, ang buong responsibilidad para sa kasalanan ng kaniyang mga tao, at binayaran niya ang parusa nito sa pamamagitan ng pagbuhos ng sarili Niyang dugo. “Ipinasan sa Kanya ng Panginoon ang lahat nating kasamaan.” (Isaias 53:6).

Bagama’t nais ng Diyos na magtiwala tayo sa Kaniya lamang, masyado tayong mataas upang tanggapin ang ganitong napakalaking pagpapatawad. Maaaring nararamdaman natin na mayroon pa tayong dapat gawin para kitain ang kapatawaran ng Diyos, sa halip na magtiwala na lamang sa Kanya. Sa paggawa natin nito, mas nagtitiwala tayo sa ating mga sarili. Nagsabi minsan ang Panginoong Jesus ng isang talinghaga na Kanyang pinaringgan ang mga taong “nagtitiwala sa kanilang sarili na sila ay matutuwid.”

“Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa’y Pariseo at ang isa’y maniningil ng buwis. Ang Pariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘O Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao - na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya - o gaya man ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’ Subalit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na nagsasabi, ‘O Diyos mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring ganap sa halip na ang isa.” (Lukas 18:9-14).

Ipinakita ng unang lalaki ang kaniyang sariling kabutihan at mabubuting ginawa sa Diyos. Iyong pangalawa ay lumapit sa Diyos na walang naipakitang mabuti. Iniisip ng Pariseo na siya ay matuwid at taas noong lumapit sa Diyos. Alam noong maniningil ng buwis ang kaniyang kamalian at siya’y hiyang-hiya sa kaniyang sarili. Silang dalawa ay parehong umakyat sa templo upang manalangin; iyong mapagmalinis na tao ay hindi humingi ng anumang bagay samantalang iyong maniningil ng buwis ay humingi ng awa at habag. Kapwa silang umuwi ng bahay. Iyong isa ay nagtitiwala na siya ay katanggap-tanggap sa espiritwal niyang pamumuhay, subalit sa mata ng Diyos ay hindi. Iyong isa ay nagtiwala lamang sa habag ng Diyos. At ang naniniwalang makasalanan ang siyang umuwi na inaring-ganap, at inihayag na matuwid ng Hukom ng langit at lupa.

Ang lahat ay dapat mamili sa dalawang alternatibong ito. Maaaring ikaw ay nagtitiwala sa awa ng Diyos lamang, o kaya nama’y nananangan ka sa iyong magagawa o pakikipagtulungan sa Diyos. Sa isang banda, pinapahayag ng iglesiyang Romano Katoliko ang sumpa at husga para sa lahat na nagsasabi “ang pananampalatayang umaaring-ganap ay ang pananalig lamang sa awa ng Diyos, kung saan naroon ang kapatawaran dahil kay Cristo.” Sa kabilang banda, ang mga evangelical na Kristyano, gaya ng maningil ng buwis, ay mayroon lamang pananalig sa awa ng Diyos, at ayon sa Panginoong Jesus, ito ang kinakailangan upang maging tama sa paningin ng Diyos.

Kanino ka mas nagtitiwala para sa iyong pagpapawalang sala, sa iyong mga nagagawa o kayang gawin, o sa awa ng Diyos na ipinakita sa krus ng kalbaryo? Hinahanap mo ba ang kapatawaran ng Diyos dahil sa iyong mga mabubuting ginagawa, o mas nagtitiwala ka sa awa ng Diyos? Huminto ka na lamang sa pagtitiwala sa iyong sariling lakas at kakayahan at magtiwala kay Cristo lamang!

<  >