Para sa mga Katolico

Ano ang Dapat Kong Gawin Upang Maligtas?

Tayong lahat ay may kabahaging kaguluhan at pagdurusa. Ang ugat ng mga ito ay kasalanan na siyang naghihiwalay sa atin sa Diyos at magdadala ng Kaniyang galit sa atin. Lalo na’t nalalapit na ang araw ng Paghuhukom at ang mga makasalanan ay nanganganib sa walang hanggang kaparusahan sa impyerno ng apoy.

Maraming mga relihiyon na nangangako ng kaligtasan at buhay. Nguni’t hindi tayo nagtitiwala sa mga haka-haka ng tao sapagkat may babala ang Banal na Kasulatan sa atin na “ang mundo sa kaniyang karunungan ay hindi nakakakilala sa Diyos.” Dapat nating saliksikin ang mensahe ng Diyos sa atin sa Kaniyang aklat, ang Banal na Kasulatan. Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan ay magkakaroon tayo ng tamang kaalaman tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus. (2 Timoteo 3:15)

Ang lathalang ito ay nagpapaliwanag ng plano ng Diyos sa kaligtasan. Basahin ito ng taimtim at manalangin upang maliwanagan. Ang Panginoong Hesus lamang ang makapagbubukas ng iyong isipan upang maunawaan ang Kaniyang Salita. Huwag mong bigyang pahinga ang iyong kaluluwa hangga’t hindi mo nasasagot ng tama ang mahalagang katanungang ito: “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”

ANG ATING SULIRANIN

Maraming taong nabubuhay na hindi isinasaisip ang pangangailangan ng kaligtasan. Waring may kasiyahan na sila sa kanilang kalagayan. Ito ay isang lubos na kabaliwan. Maaaring ang isang tao ay malusog, matalino, may-aring kayamanan at mga kaibigan. Lahat ng mga ito ay may katapusan. Ang iyong puso ay walang kapangyarihan hangga’t hindi ka nagkakaroon ng pansariling pagkakakilala sa Diyos. Nasa Kaniya lamang ang puspos na kaligayahan. Kailangan nating lahat na maligtas sa kadahilanang lahat tayo ay mga makasalanan. Tayong lahat ay may mga pasaning dala-dala: isang masamang pag-uugali at isang masamang puso.

1. Masamang Pag-uugali

Ang Diyos ang Maylikha at Panginoon ng lahat ng bagay. Mula ng tayo’y likhain, bigyang buhay, at pangalagaan, tungkulin natin ang ibigin Siya ng buong puso, sundin ang Kaniyang mga kautusan at Siya’y sambahin. Nguni’t sa simula pa lamang ay naghimagsik na tayo laban sa Kaniyang mga utos at ang ating mga kagustuhan ang pinairal.

Ang pagsisinungaling at pagnanakaw ay hindi lamang laban sa tao nguni’t higit sa lahat ito’y isang pagwawalang bahala sa Diyos at nagsasabing, “Kahit alam ko ang tama sa Iyong paningin winawalang bahala Kita. Gagawin ko ang nais kong gawin at hindi ako pasasakop sa Iyong mga kautusan!”

Minamaliit natin ang kasalanan at iniisip natin na hindi tayo lubos na masama. Nguni’t sa katunayan, hindi natin malilinlang ng Diyos. “Datapwa’t ayon sa inyong katigasan at inyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Diyos.” (Mga Taga Roma 2:5)

Maging tapat tayo sa ating sarili sa harap ng Diyos. Nag-aalala ka ba sa iyong masamang patotoong moral? Maysala ka sa bawat maruming salita, paglibak, tsismis, at pagdaraya na lumalabas sa iyong bibig. Hindi ka ba nahihiya lumapit sa isang Banal na Diyos nang may bahid ng kahalayan at karumihan? Saliksikin mo ng lubusan ang iyong budhi. Tandaan mo ang mga nakaraang kasamaan at mga kasalanan na patuloy mong pinanghahawakan sa iyong puso. Ikaw ay may pananagutan sa lahat ng iyong mga ginawa at sinabi. Ikaw ay may pananagutan hindi sa akin o kahit kanino pa mang nilikha nguni’t sa Diyos na Siyang Hukom ng sanglibutan.

Ang tabak ng katarungan ay nakabitin sa tapat ng iyong ulo. Kung nanaisin ng Diyos, ikaw ay haharap sa Kaniya upang magbigay ng ulat ng lahat ng iyong ginawa. At kung wala ang Kaniyang kaligtasan sa iyo, ikaw ay hahatulan ng walang hanggang kaparusahan sa impyerno ng apoy.

2. Isang Masamang Puso

Bukod sa ating makasalanang pag-uugali, mayroon pa tayong kinkaharap na suliranin: may masamang puso tayo. Aba tayo hindi lamang sa ating katauhan kundi sa ating mga gawa. Si Adan, ang unang tao ay nilikhang matuwid at banal. Nguni’t siya’y naging isang makasalanan ng mahulog siya sa pagkakasala. At gaya ng pagtubo ng isang masamang binhi sa isang masamang punong kahoy, gayon din naman tayong mga nagmula kay Adan. Tayo’y ipinaglihi sa kasalanan.(Awit 51:5) “Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, ang marami ay naging mga makasalanan.” (Mga Taga Roma 5:19)

Ito ang sinabi ng Panginoong Hesus tungkol sa ating masamang puso, “sapagkat mula sa loob, mula sa mga puso ng mga tao, lumalabas ang masamang pag-iisip, ang mga pakikiapid, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa tao, pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pagdaraya, kalibugan, ang matang masama, kapusungan, kapalaluan, kamangmangan.” (Marcos 7:21-22)

Ang puso ng tao ang batis na sumasala sa mga karumihan na bumabalot sa atin. Pansinin na hindi sinabi ni Hesus na “galing sa labas, sa diin at hamon ng lipunan, at sa hindi tamang pagpapalaki nanggagaling ang mga masasamang kaisipan, pangangalunya, pakikiapid at iba pa.” Inaari ng mga bagong pagtuturo (modern Psycho) na likas ang kabutihan ng puso ng tao nguni’t itinuturo sa atin ng ating Panginoon na ang puso ng tao ay siyang ugat ng ating kasamaan. “Mula sa loob, mula sa puso ng tao” nagmumula ang lahat ng uri ng kasalanan at kamalian.

Maaaring batiin natin ang ating mga sarili sa mga magagandang bagay na ginawa natin. Nguni’t kailangan nating maunawaan na kahit na ang mga inaakala nating marangal na gawain ng isang taong hindi pa ligtas ay galing sa masamang puso. Binabalaan tayo ng Banal na Kasulatan, “Ang puso ay mandaraya ng higit kaysa lahat ng bagay, at totoong masama.” (Heremias 17:9) Ano ang maaasahan nating lumabas sa isang masamang puso? Mabuti ba o masamang gawa? Sinabi ni Hesus, ang tao ba ay makapipitas ng ubas galing sa mga tinikan o kaya’y sa mga igos na galing sa dawagan? (Mateo 7:16) Hinding hindi!

Huwag mong isipin na mabibigyan mo ng kasiyahan ang Diyos. Huwag mong isipin na nasa iyo ang kakayanang lakas, kung iyong nanaisin, na talikuran ang iyong kasalanan at sundin ang Diyos. Gaya ng uod na nagtatago sa liwanag at humuhukay ng malalim upang ibaon ang sarili sa kadiliman gayon din ang isang makasalanan na tumatakbong palayo sa liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos.

Gaya ng nakasulat, “Walang matuwid, wala, wala kahit isa: walang nakatatalastas, walang humahanap sa Diyos.” (Mga Taga Roma 3:10-11) Wala kang kakayanang lumapit kay Kristo ukol sa iyong kaligtasan liban lang kung dadalhin ka sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. “Walang taong makakalapit sa Akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44)

Hindi ako magtataka kung hindi mo bibigyang pansin ang mga mahalagang katotohanang ito. Maaaring sabihin mo, “Hindi ako ganyan kasama!” Maaari kang tumutol. “Oo nga at nakagawa ako ng ilang kamalian, nguni’t ang sabihing sadyang karapat-dapat ako sa impyerno ay kahangalan. Ni hindi ako naniniwala na may masamang puso ako. Isa akong mabuting tao. Kung nanaisin ko, makasusunod ako sa Diyos.” Ang mga pananalitang ganyan ay nagpapatunay lamang ng kadiliman at pagkamandaraya ng puso. Kung sinoman ang magsalita ng ganoon ay hindi lamang sumasalungat sa palagay ng tao nguni’t sa paghahatol ng Diyos sa kaniya.

Kaibigan, ano ang palagay mo sa iyong sarili? Ikaw ba’y may sala o wala? Ikaw ba’y mabuti o masama? Nawa’y bigyan ka ng Diyos ng biyaya na maging tapat sa iyong sarili. Ikaw ay puspusang nakasandig sa Diyos sa pagbibigay sa iyo ng isang bagong puso at kapatawaran sa iyong mga pagkakautang.

MGA DI-MAKATOTOHANANG PAG-ASA

Ang ibanghelyo ay magandang balita para sa isang makasalanan. Si Kristo Hesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan (1 Timoteo 1:15). Nguni’t bago natin banggitin ang tungkol sa pagtutubos ni Kristo, kailangan tayong bigyang babala tungkol sa iba’t ibang mga pangako na wari’y nagbibigay ng buhay nguni’t sa katunayan, ito’y tungo sa kapahamakan.

1. Hindi sa Pamamagitan ng Kautusan

Maraming tao ang umaaring maliligtas sila sapagkat ginawa nila ang lahat upang sundin ang kautusan ng Diyos, at gumawa ng mabuti. Tinanong ko ang ilang mga tao ng ganito, “Pagharap mo sa Diyos, bakit sa palagay mo ikaw ay papapasukin sa langit?” Halos lahat ay sumagot ng, “Dahil sa pinilit kong sundin ang mga kautusan at tinulungan ko ang aking kapwa. Ang mahalaga ay namuhay ka ng mabuti.”

Kung tayo ay maliligtas ng ating sariling gawa, bakit pa kaya bumaba si Kristo Hesus dito sa sanglibutan? Bakit pa Siya nagdusa at namatay? Kung kaya nating maging matuwid sa pamamagitan ng sarili nating pagsunod sa kautusan ng Diyos, kung gayon, nawalang saysay ang pagkamatay ni Kristo.

Hindi tayo maliligtas ng mga kautusan sapagkat hindi naman natin ito natutupad ng ayon sa dapat pagtupad dito, bagkus ang di-katuparan nito ang nagtuturo na tayo ay mga makasalanan. Binabalaan tayo ng Banal na Kasulatan na walang sinomang maituturing na matuwid sa paningin ng Diyos sa pagtupad sa kautusan. Iminumulat lamang tayo sa ating pagiging makasalanan. (Mga Taga Galacia 3:21-22) Gaya ng isang salamin, ipinapakita ng kautusan ang maruming mukha nguni’t hindi nakakalinis nito. Kung nais mong malinis ang iyong mga kasalanan, dapat kang tumingin sa ibang dako. Ang kaligtasan ay hindi makikita sa bundok ng Sinai. Ang kaligtasan ay makikita lamang sa bundok ng Kalbaryo.

2. Hindi sa Pamamagitan ng Gawa

Hindi tayo mabibigyan ng kaligtasan ng ating mabubuting gawa. Hindi natin mababago ang ating masasamang gawa sa paggawa ng mabuti na katimbang nito. Ang ating pagkakasalang moral ay hindi mababayaran ng paggawa ng mabuti, pagpapasakit o kaya’y pagsasagawa ng iba’t ibang panrelihiyong ritwal. Itinuturo ng Banal na Kasulatan na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan at kung walang pagbubuhos ng dugo’y walang kapatawarang makakamit (Mga Taga Roma 6:2; Hebreo 9:22)

Sinasabi din sa Banal na Kasulatan na ang mga anak ng Diyos ay maliligtas sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa kanilang mabubuting gawa. “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri. ” (Mga Taga Efeso 2:8-9)

Maraming tao ang may maling pag-aakala sa biyaya ng Diyos. Akala nila’y makakamtan nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.

Ngayon, kung makakamit natin ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng ating angking sariling moralidad, utang pa ito ng Diyos sa atin, sapagkat “sa kaniya na gumagawa’y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang.” (Mga Taga Roma 4:4) Ang Diyos ay walang pagkakautang kaninoman. Inililigtas ng Diyos ang isang makasalanan hindi dahil sa kaniyang pinagsikapan o anumang galing nguni’t dahil lamang sa Kaniyang kabutihan at kagandahang loob. Ang kaligtasan ay isang walang bayad na kaloob. Kung kailangan mong bayaran ang ipinamigay na kaloob sa iyo, ito’y hindi na maituturing na kaloob. Salamat sa Diyos at ang kaligtasan ay may kaloob na biyaya at ang mga Kristiyano ay laging makapagmamalaki sa kabutihan ng Diyos.

Madalas akong nakakatagpo ng ganitong pagtutol. “Kung ganoon pala ay maliligtas din ako gumawa man ako ng mabuti o hindi.” Nguni’t ang katwirang ganito ay mapanlinlang. Ipinapakita lang na ang ebanghelyo ay hindi pa lubos na nauunawaan. Ang mga anak ng Diyos ay maliligtas “hindi sa sariling gawa” kundi “para sa mabuting gawa” (Mga Taga Efeso 2:8-10). Ang mabubuting gawa ang layunin at hindi ang dahilan ng kaligtasan. Inililigtas muna ng Diyos ang isang tao at binibigyan siya ng isang bagong puso na kusang nagbibigay ng bunga para sa Kaniyang kaluwalhatian.

Halimbawa, may dalawang taong nagbigay ng sampung dolyar sa kawanggawa. Pareho ang ginawa nila nguni’t ang layunin ay magkaiba. Ang isa ay nagbigay upang maging nararapat sa kaligtasan. Ang ikalawa’y kinikilala na mahal niya ang Diyos kaya siya’y tumutulong sa kapwa. Ang una ay isang Pariseo. Ang ikalawa’y isang anak ng Diyos.

3. Walang Ibang Pangalan

Walang pag-aatubiling inangkin ni apostol Pedro na si Kristo Hesus lamang ang Tagapagligtas. “At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (Ang Mga Gawa 4:12)

Nakalulungkot isipin na maraming mga Katoliko na nag-uugali na waring hindi sapat si Kristo lamang. Tumatawag pa sila sa pangalan ni Maria o kaya’y sa mga tinatawag nilang mga santo. Si Maria ay ina ni Hesus sa laman at lahat ng kalahian ay tatawagin siyang pinagpala. Nguni’t si Maria ay hindi tagapagligtas, ni hindi tagapamagitan. Hindi siya namatay sa krus upang tubusin ang ating mga kasalanan. “Sapagkat may isang Diyos at may isang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao; ang taong si Kristo Hesus, na ibinigay ang Kaniyang sarili na pangtubos sa lahat.” (1 Timoteo 2:5-6)

Naninikluhod ako sa lahat ng deboto ni Maria na makinig sa Salita ng Diyos. Hindi ka makapapanawagan sa ngalan ni Hesus at ngalan ni Maria para sa kaligtasan. Iisa lamang ang pangalang makapagliligtas sa atin. Ang pangalan ng Panginoong Hesukristo. Tularan natin ang mga halimbawa ni Maria at tulad niya’y magtiwala tayo sa ating Panginoon sa ating kaligtasan. At kasama niya’y makakaawit tayo ng “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas. (Lucas 1:46-47)

ANG PANGINOONG HESUKRISTO

“Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Ganito ang sagot ng Banal na Kasulatan. “Manampalataya ka sa Panginoong Hesus at maliligtas ka.” (Ang mga Gawa 16:30-31) Inaanyayahan ni Kristo ang mga makasalanan, “Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagod at nangabibigatang labis, at kayo’y aking pagpapahingahin (Mateo 11:28)

Sino si Hesus? Anong di pangkaraniwang bagay ba ang Kaniyang nagawa upang ipagkatiwala ko ang aking kaligtasan sa Kaniya? Bakit kailangang tumakbo sa Kaniya ang isang makasalanan? Nagbibigay ang Banal na Kasulatan sa atin ng mga makatuwirang dahilan.

1. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ang Kristo

Nang maghimagsik ang tao sa Lumikha, pinangakuan sila ng Diyos ng isang Tagapagligtas (ang Mesias o ang Kristo) at sa takdang panahon ay ipinadala Niya ang Kaniyang bugtong na anak dito sa sanglibutan. Ang mga propesiyang nauukol sa Kaniya bago pa man Siya isinilang ay tinupad Niyang lahat. Mula Siya sa binhi ni Abraham at Haring David. Ipinanganak Siya sa Bethlehem ng isang birhen at sa Kaniyang pagpapapako sa krus ang Kaniyang kamay at paa ay binutas. Inilibing siya sa isang mayamang puntod at siya’y nabuhay na mag-uli. Upang isakatuparan ang Kaniyang layunin, si Hesus ay nagsagawa ng di-mabilang ng himala. Pinagaling niya ang lahat ng uri ng karamdaman. Ang bulag ay nakakakita, ang bingi ay nakarinig at lumakas ang mga paralitiko. Bumuhay din Siya ng mga patay. Nang tanungin Siya kung Siya si Kristo, sinagot siya ng ganito, “Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama, upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay napapatotoo tungkol sa akin, na ako’y sinugo ng Ama (Juan 5:36) Si Hesus ng Nazareth ay tiyak at walang pag-aalinlangang ang Kristo – ang Tagapagligtas na sinugo mula sa kalangitan.

2. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ang Anak ng Diyos na walang hanggan – ang Panginoon ng Kalwalhatian.

Siya ay kasama ng Ama at Banal na Espiritu mula sa walang hanggan at tulad ng dalawang persona sa Trinidad, si Hesus ay may kapangyarihan, alam ang lahat ng bagay, nasa lahat ng dako at nagbibigay ng buhay sa sinumang nanaisin niya. Lahat ng bagay ay nilikha niya at hawak niya sa Kaniyang makapangyarihang salita ang mga ito. Ang Panginoong Hesus ang naghahari sa lahat ng mga nilikha bilang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari.

Noong narito pa Siya sa lupa, sinabi niya, “Ako at ang Ama ay iisa. Nauunawaan naman Siyang lubos ng mga nakarinig sa Kaniya at sinabi nila, “Ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Diyos.” (Juan 10:29-37) Iniisip nilang may pamumusong ito, sa gayo’y inusig nila si Hesus hanggang sa Kaniyang kamatayan. Nguni’t, mayroon ding mga naniwala at sumamba sa Kaniya. Nabuhay at namatay sila para sa Kaniya dahil Siya ang unang nabuhay at namatay para sa kanila sa krus.. Kaya, lumapit ka sa Kaniya upang Siya’y sambahin at sundin magpakailanman.

3. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan.

Sa simula pa lamang ay itinuro na ng Diyos na ang daan sa pagkakasundo ay ang pagbububhos ng dugo. Sa Lumang Tipan, libo-libong mga hayop ang pinatay dahil “maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.” (Mga Hebreo 9:22)

Ang mga alay na ito sa mga tupa at baka ay isang larawan ni Kristo, ang kordero ng Diyos, na nagkatawang tao sa kapangyarihan ng Banal na Espirito at ipinanganak ni Birheng Maria. Nagbuwis Siya ng buhay upang tubusin ang marami. Siya ang nanagot sa kasalanan ng Kaniyang mga tao. Binayaran Niya ang mga ito sa pagkamatay na minsan para sa mga kasalanan sa krus ng kalbaryo.

“Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat. ( Isaias 53:5-6)

4. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ang Kataastaasang Sacerdote na hinirang ng Diyos.

Noong panahon ng Lumang Tipan, ang mga Hudyo ay may templo sa kanilang kalagitnaan nguni’t bawal sa kanila ang pumasok sa lugar na matatagpuan ang kaluwalhatian ng Diyos. Kailangan nila ang isang sacerdote na magsisilbing tagapamagitan sa kanila at sa Diyos.

Ito’y larawan din ng isang katotohanang espiritwal. Ang Diyos ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay. (Mga Gawa 17:24) Ang Kaniyang trono ay nasa langit. Ni ang isang sacerdote na isa ring makasalanan ay hindi kayang mamagitan para sa atin sa Diyos. Nguni’t si Kristo ay ang ganap na Sacerdote na pumasok sa langit upang mamagitan para sa Kaniyang mga tao sa bisa ng Kaniyang ibinuhos na dugo.

“Datapuwa't Siya, sapagka't namamalagi magpakailan man ay may pagkasaserdote Siyang di mapapalitan. Dahil dito naman Siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa'y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.” ( Hebreo 7:24-25)

Hindi namamagitan si Kristo para sa lahat. Idinadalangin lamang Niya ang mga ibinigay sa Kaniya ng Ama. “Idinadalangin ko sila, hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko kundi yaong mga sa Akin ay ibinigay Mo; sapagkat sila’y Iyo.” (Juan 17:9) Hindi ko sinasabi ito upang panghinain ang loob mo kundi upang isuko mo ang lahat ng mga di-tunay na pinangahawakan mong pag-asa. Lumapit ka sa Diyos sa pamamagitan ng kakaibang sacerdoteng ito at malaman mo na may tagapamagitan ka sa harap ng Diyos sa langit.

5. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya’y nagpakumbaba hanggang sa kamatayan sa Krus at muling nabuhay.

Kung Siya ay isang huwad at sinungaling, kamatayan na ang Kaniyang katapusan. Nguni’t si Kristo’y nabuhay na mag-uli buhat sa Kaniyang libingan – pinagtagumpayan Niya si Satanas, ang kasalanan at kamatayan. Ang mga apostol Niya at marami pang iba ang nagpatunay na nakita nilang buhay si Hesus pagkatapos ng Kaniyang pagdurusa. Ang Banal na Espiritu ang nagpatunay sa kanilang mga pahayag sa pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga pangitain at kababalaghan na nakalathala sa mga pahina ng Bagong Tipan. Lahat ng Kaniyang mga turo ay pawang Katotohanan. Siya ang Tagapamagitan na mula sa kalangitan, ang bugtong na Anak ng Ama at sa gayo’y kapantay ng Ama. Ang pagtubos na naganap sa Kalbaryo ay sapat at tapos. Ang Kaniyang pagaalay ng buhay ay tinanggap ng Diyos Ama. Minsang namatay si Kristo at ngayo’y nabubuhay siya magpakailanman. Hindi ko kayo pinipilit na maniwala sa isang uliran, isang sistemang pilosopikal; o kaya’y isang relihiyon. Nais kong ipaabot sa inyo ang isang maalab na paanyaya. “Lumapit ka sa isang buháy na Tagapagligtas!”

6. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ay mabuti at maawain.

Noong Siya’y nabubuhay pa sa sanglibutan, tinatanggap Niyang lahat ng lumalapit sa Kaniya: mga bata, matatanda, mayayaman, at mahihirap; marurunong at mga mangmang. Tinanggap Niyang may init ang mga makasalanang tinanggihan na ng lipunan. Lahat sila’y lumapit sa Kaniya at hindi Niya sila itinaboy. Ang mga salaysay na ito’y nasa ebanghelyo hanggang sa mga panahong ito. Milyong mga tao pa ang lumalapit sa Kaniya at nagpapatotoo na tinanggap nila ng Panginoong Hesus sa Kaniyang mga mapagmahal na bisig. Ang pangako Niya ay totoo rin para sa iyo. “Ang lahat ng ibinibigay sa Akin ng Ama ay magisislapit sa akin; at ang lumalapit sa Akin sa anumang paraan ay hindi ko itataboy.” ( Juan 6:37)

7. Lumapit kay Hesus Sapagkat Siya ay Muling Magbabalik.

Ang una Niyang pagdating ay puno ng pagpapakumbaba, kahirapan, at kahinaan. Isang araw si Kristo ay babalik na muli sa sanglibutan ng may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Kung ipinahayag Siya mula sa langit, sino ba Siya sa iyo? Siya ba’y isang hukom na may poot, na maghahatol sa iyo palayo sa Kaniya tungo sa kaparusahan sa impiyerno? O Siya kaya ang iyong Tagapagligtas at walang hanggang kaligayahan? Mababatay ito sa pagtanggap mo ng Kaniyang paanyaya na lumapit sa Kaniya.

ANG PAGLAPIT KAY KRISTO

Upang matanggap ang kapatawaran at buhay na walang hanggan buhat sa Panginoong Hesus, kailangan mong magsisi at magtiwala sa Kaniya. Hindi sapat na aminin mo lang ang iyong pagkakasala kung hindi ka naman magsisisi. Walang saysay kung alam mo nga ang pagmamahal at kapangyarihan ni Kristo nguni’t hindi ka naman magtitiwala sa Kaniya. Ang sinasabi ng ebanghelyo ay “ang pagsisisi sa Diyos at ang pananampalataya sa ating Panginoong Hesukristo.” ( ang mga Gawa 20:21)

Ang tunay na pagsisisi ay nagmumula sa isang basag na puso. Mayroon kang sapat na dahilan upang malungkot kung ituturing mo ang madalas na paghamon mo sa Diyos sa pamamagitan ng iyong masasamang gawa. Dapat mong aminin sa Kaniya na Siya’y tama sa paghatol sa iyo at karapat-dapat ka lamang sa Impiyerno. Nguni’t ang pagsisisi ay hindi lamang pagkalungkot. Ang pagsisisi ay ang pagtalikod sa iyong mga kasalanan at ang pagpapasakop ng iyong sarili kay Kristo bilang iyong Panginoon. Bumangon at tinalikuran ng alibughang anak ang kaniyang mga walang taros na buhay ng pagkakasala. Tulad niya bumalik ka at paglingkuran mo ang Panginoong Diyos sa lahat ng araw ng iyong buhay. “Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pag-iisip, at manumbalik siya sa Panginoon, at kaawaan Niya siya; at sa aming Diyos, sapagkat Siya’y magpapatawad ng sagana.” ( Isaias 55:7)

Magsisi at magtiwala kay Kristo. Ang tunay na pananampalataya ay isang buong pusong pagtitiwala sa Panginoong Hesus. Isapuso mo ang paglapit sa Kaniya ngayon. Huwag mong ipagmalaki at ihandog ang iyong mga kagalingan. Bagkus, lumapit ka sa Kaniya, sino o ano ka man na kasama ang lahat mong pagkakasala at kahihiyan. Tumawag ka sa Kaniyang Pangalan at humingi ng awa. Hilingin mo sa Kaniya patawarin ka dahil sa Kaniyang dugong ibinuhos sa krus. Kung wagas ang pagtitiwala mo sa Kaniya lamang, maipapanalangin mo ang ganito “Panginoong Hesus, Ikaw at Ikaw lamang ang aking Tagapagligtas. Wala akong pananampalataya sa aking sarili o kanino man. Ikaw lamang ang tangi kong pag-asa.”

Nabibigatan ka ba sa iyong mga kasalanan? Natatanto mo ba na hindi ka magkakamit ng kalayaan sa pamamagitan ng sarili mong kalakasan? Kung gayon, iwaksi mong lahat ng pag-asa mo sa sarili nguni’t huwag kang tatalikod sa Diyos na puno ng awa. Lumapit ka kay Hesus. Lumapit ka ng may pagsisisi at magtiwala ka sa Kaniya lamang. Sa paggawa mo nito’y matatagpuan mo ang kapahingahan sa iyong kaluluwa. Ngayon, kung marining mo ang Kaniyang tinig, huwag mo nang patigasin ang iyong puso. Tumatawag si Hesus sa iyo, “Lumapit ka sa Akin!”

Pansariling Pananalita sa mga Mambabasa:

Maaaring may mga duda at katanungan ka pa tungkol sa paraan ng kaligtasan. Binibigyang lakas ng loob kitang manalangin at saliksikin ang Banal na Kasulatan. Tutulungan kita sa abot ng aking makakaya. Kaya huwag kang mag-atubiling sumulat o tumalakay sa ano mang mga katanungan.

Marahil, ngayon ay nauunawaan mo na ang ebanghelyo at pinagkalooban ka na ng Diyos ng pagsisisi at pananampalataya kay Kristo Hesus. Hindi ka na nagtitiwala sa anumang ginwa mo, sa iyong sariling kabutihan, sa mga santo, o sa relihiyon. Ngayon, nagtitiwala ka na kay Kristo Hesus. Siya lamang ang kaisa-isa at tangi mong Tagapagligtas. Nakikisaya ako sa iyo at pinupuri ko rin ang Diyos sa Kaniyang Biyaya.

Ito na ang simula ng isang kapanapanabik na paglalakbay na ang katapusan ay lalo pang mabuti: ang kalangitan. Ang hangad mo ay ang sumunod at luwalhatiin ang Panginoon. Ang buhay Kristiyano ay hindi isang “himlayang puno ng mga rosas” Totoong binibigyan ka ng kagalakang di maipaliwanag nguni’t sa Kaniyang probidensiyang puno ng karunungan, ay nagdadala rin ito sa iyo ng kalungkutan at sakit. Sa ganyang paraan tayo lumalago.

Inuudyukan kitang magbasa ng Bibliya araw-araw na may paggalang. Ang Diyos ay nagsasalita sa iyo. Makinig kang mabuti!

Manalangin ka rin sa ating Ama sa langit. Pumunta ka sa isang pribadong lugar, at buksan mo ang puso mo sa Diyos. Pasalamatan at purihin mo Siya. Ikumpisal mo ang iyong mga kasalanan at ipanalangin mo ang iyong sarili at ang iba pa.

Gayun din, nais mong sumapi sa isang tipunan ng mga Kristiyano na naniniwala sa Bibliya. Tayo ay kasapi sa isang katawan, ang iglesya at kailangan natin ang isa’t isa. Nais ng Panginoon na ikaw ay mapabautismuhan sa pangalan ng Dakilang Trinidad, at pagkatapos ay makasama sa pagkain ng tinapay at pagkuha ng saro upang gunitain ang pag-aalay ng Kaniyang buhay para sa atin. Ang pagtuturo at pangangaral ng Salita ay napakahalaga sa bawa’t Kristiyano upang lumago sa biyaya at kaalaman kay Kristo.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos. Nawa’y ang liwanag ng Panginoon ang sumainyo at bigyan kayo ng kapayapaan.

Email

Ang may-akda: Joseph Mizzi. Isinalin sa Tagalog ni Mrs. Pacita Seveses.

Ang artikulong ito ay maaaring kopyahin at ipamigay sa anumang paraan; huwag lamang papalitan ang mga salitang ginamit at hindi tatanggap ng anumang bayad. Paki banggit ang mga sumusunod na pamanalita sa mga kopyang ipinamigay:

© Dr. Joseph Mizzi. Website: www.justforcatholics.org Ginamit ng may pahintulot.